Hinimok ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang liderato ng Kamara na aprubahan na ang isinusulong na sick leave benefits para sa mga public school teachers kasunod ng pagkabahala na rin ng mga guro sa kanilang kalusugan.
Sa ilalim ng House Bill 5349 ay magkakaroon ng 30-days sick leave ang mga guro sa loob ng isang taon.
Sa kasalukuyan, service credits at proportional vacation pay lamang ang ibinibigay sa mga pampublikong guro at kahit may sakit ay napipilitang pumasok ang mga ito dahil ibabawas sa kanilang sweldo ang pag-absent sa klase.
Iginiit ng kongresista na ipasa na ng Kamara ang panukalang ito lalo pa ngayong may COVID-19 pandemic.
Sinabi rin ng mambabatas na ang pagbibigay ng sick leave benefits sa mga public school teachers ay isang hakbang para mabigyang proteksyon din ang mga guro sa gitna ng health crisis.