‘Side effect’ ng mga bagong gawa na gamot o bakuna, normal lang ayon sa DOH

Normal lang na makaramdam ng “side effect” ang mga indibidwal na tinuturukan o umiinom ng mga bagong bakuna at gamot.

Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) matapos dalawang healthcare workers sa United Kingdom, na may record ng allergic reaction ang nakaranas ng “side effect” matapos turukan ng COVID-19 vaccine ng Pfizer-BioNTech.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ang dahilan kung bakit bago magbigay ng bakuna, o mag-reseta ng gamot ang mga doktor ay tinatanong nila ang mga pasyente tungkol sa history ng allergies.


Aniya, itinuturing kasi na “foreign material” ang mga bakuna at gamot na tinuturok o ginagamit ng mga tao, kaya dapat din asahan ang kaakibat na reaksyon ng katawan sa mga ito.

Sinabi naman ni Vergeire na mahalagang maglabas ng “criteria” ang vaccine developers para malaman agad ng publiko kung sino lang ang pwedeng mabigyan ng kanilang ginawang bakuna.

Aminado naman si Vergeire na walang katiyakan na hindi tatamaan ng COVID-19 ang isang indibidwal kahit nabakunahan na.

Sa ngayon kasi aniya ay wala pa naman talagang bakuna na nagbibigay ng 100% proteksyon mula sa mga sakit.

Facebook Comments