Manila, Philippines – Minaliit lamang ni Kabayan Rep. Ron Salo ang patuloy na paggiit ni dating Kabayan Congressman at ngayon ay Presidential Spokesperson Harry Roque na mapatalsik siya sa Kamara.
Giit ni Salo, napakababaw ng dahilan ni Roque para siya ay masibak bilang kinatawan ng Kabayan Partylist.
Si Roque ay may mga nakabinbing reklamo laban kay Salo sa House Ethics Committee dahil sa umano’y paggamit nito ng resources ng tanggapan nito sa Kamara para sa pag-imprenta at pagsasapubliko ng disbarment case nito sa kanya.
Pinayuhan ni Salo si Roque na pagtuunan ng pansin ang bagay kaugnay sa palasyo at sa Pangulo at huwag para sa sarili.
Samantala, tinututulan ni Roque ang balak na palitan siya ng mga nominees na sina Atty. Ciriaco Calalang, Paul Hernandez at Joshua Sebastian dahil ang mga ito ay aprubado lamang ng Board of Trustees na inorganisa ni Salo.
Giit naman ni Salo, ang gusto ni Roque na humalili dito ay ang Chief of Staff nito na si Romel Bagares na ni hindi naman umano miyembro ng kanilang partylist.