Sign language interpreter sa mga tanggapan ng pamahalaan, korte, paaralan at media, hiniling na ipasa

Manila, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang pagkakaroon ng sign language interpreter sa ilang mga tanggapan, pasilidad, at mga paaralan.

Sa House Bill 7503 na iniakda ni ACT Teachers Representative Antonio Tinio, layunin ng panukala na matiyak ang karapatan ng mga Pilipinong may kapansanan o yung mga pipi at bingi na maiparating ang kanilang mga opinyon at mga sasabihin sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino Sign Language o FSL.

Ang Filipino Sign Language o FSL ay gagamiting medium para sa official communication sa lahat ng public transactions, services at facilities.


Inoobliga ang pagkakaroon ng sign language interpreter sa mga korte, ospital, iba pang health facilities, police stations, paaralan, media at sa mga ahensya ng gobyerno lalo na kung may kapansanan ang makikipagtransaksyon, hihingi ng tulong o may deaf na empleyado ng gobyerno.
Ang University of the Philippines (UP), Komisyon sa Wikang Filipino at sa pakikipagtulungan ng CHED, DepEd at Early Childhood Care and Development Council ang siya namang bubuo ng training materials para sa mga deaf learners na gagamitin sa lahat ng State Universities and Colleges (SUCs).

Naaprubahan na sa ikalawang pagbasa ang paggamit ng FSL o Filipino Sign Language at inaasahang ito ay ipapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa pagbabalik ng sesyon.

Facebook Comments