Signature campaign sa People’s initiative, inaasahang matitigil na; Senado, tiniyak ang mahigpit na pagbabantay

Umaasa si Senator Grace Poe na matitigil na ang signature campaign sa People’s Initiative para sa charter change matapos na magdesisyon ang COMELEC en banc na suspindihin ang mga proceedings na may kaugnayan dito.

Ayon kay Poe, sa naging pasya ng Commission on Elections (COMELEC) na itigil ang kwestyunableng paraan ng Charter change ay pinili nila ang tamang direksyon.

Punto ni Poe, ang People’s Initiative na nagsimula sa maling paraan at may bahid ng kontrobersiya ay walang maidudulot na mabuti sa bansa at sa taumbayan.


Aniya, kung talagang gusto ng mga kababayan ng cha-cha ay sila ang dapat na sentro ng tunay na People’s Initiative at hindi ang mga pulitiko.

Samantala, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na patuloy silang magiging mapagbantay sa bawat hakbang na gagawin ng COMELEC at sa huli ay naninidigan ang senadora na ang panukala ay isang “revision” at hindi amyenda at kahit pagbali-baliktarin ay dapat na ibaon na lamang ang pekeng initiative na itinutulak ng Kamara.

Facebook Comments