Nagpasa na ng application for registration sa Food and Drug Administration (FDA) ang sikat na liver spread brand na ‘Reno’.
Ayon kay FDA Director General Rolando Enrique Domingo, humingi ng paumanhin ang Reno dahil sa hindi sila nakapagrehistro ng kanilang produkto.
Hinihintay lamang nilang makumpleto ng Reno ang kanilang requirements.
“Hinintay pong ma-complete ang kanilang requirements. Basta kumpleto po ang requirements, mabilis ang approval sa FDA,” ani Domingo.
Kabilang sa requirements ng FDA ay dadaan ang produkto sa testing para malaman kung ligtas ba ito konsumahin ng publiko.
“May mga tests po kasi tayong hinihingi, unang-una to make sure na malinis at walang bacteria yung pagkain. Pagkatapos, may mga chemicals po tayo na pinapa-test sa mga pagkain na delata to make sure na wala itong mga chemicals sa pagkain na iyon,” sabi ni Domingo.
Nitong September 16, naglabas ang FDA ng advisory laban sa limang hindi rehistradong food products, kabilang ang Reno liver spread.