SIKAT NA MUSIKERO NA TUBONG VILLASIS, KINILALA

Oktubre na, minumulto ka na rin ba ng damdamin mo?

‘Yan ang bukambibig ng kabataan mula sa 2025 hit na ‘Multo’ ng pop rock band na Cup of Joe. Ang mga tumatak na liriko at melodiya ay mula sa malikhaing isip ng bokalista at Pangasinense na si Gian Bernardino.

Kamakailan lamang ay bumisita si Gian sa kaniyang hometown sa Villasis kung saan buong puso siyang sinalubong ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at ginawaran pa ng Certificate of Recognition dahil sa kaniyang outstanding contribution sa mundo ng musika.

Nakilala ang Cup of Joe sa kanilang “relaxed music style” na sinabayan pa ng magandang boses ni Gian, dahilan kaya isa sila sa mga paborito ng Gen Z ngayon.

Ang kanta nilang ‘Multo’ ang nangungunang longest-running top song sa Philippine Chart sa loob ng dalawampu’t pitong linggo sa pinakalatest na talaan sa bansa ngayong Oktubre.

Nagsisilbing isang inspirasyon si Gian lalo na sa mga kababayan nito sa Villasis na sa taglay na talento pag sinamahan ng dedikasyon, sipag at tiyaga ay makakamit ang iyong mga pangarap.

Facebook Comments