Opisyal nang nagsimula ang Silahis ng Pasko ngayong unang araw ng Disyembre sa Baguio City na susundan ng pagbubukas at pagsisimula ng mga activities na naka-line-up para sa mga taga Baguio at mga turista na dadalaw dito sa Baguio City.
Ilan sa pangunahing kaganapan na inaasahan ngayong araw ng Biyernes, December 1, ay ang lighting ng Grand Christmas Tree sa Rose Garden, Burnham Park at ang tradisyunal na Saint Louis University (SLU) Lantern Parade.
Umaga palang ay nagkaroon na ng Children’s-Parents Christmas Mardrigas na nilahukan ng mga bata mula sa iba’t-ibang eskwelahan na nakasuot ng mga makukulay na parol costume. Mayroon ding Mr. & Ms. Little Silahis ng Pasko 2017 at ang Children’s Kultora-O-Rama.
May inihanda ring mga mini games ang ilang sponsors ng Silahis ng Pasko katulad ng videoke, shootout, bring me at kung anu-ano pa. Mayroon ding Chalkart Contest, Cosplay Contest, Dance Contest at Battle of the Drum and Lyre.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang Grand Volks Canao na may Car Show and Swap Meet mula naman sa Baguio Volkswagen Club na kung saan nakaparada ang mga volkswagen sa kahabaan ng Session Road at ang maganda pa rito ay pwede kang sumakay at magpakuha ng litrato sa loob ng mga volkswagen.
Isa rin sa highlight ng Silahis ng Pasko ang pagpapakita sa unang pagkakataon ng Tinatik Art Installation na makikita sa Upper Session Road Rotonda. Ayon sa tinatik artist na si Maela Liwanag, ang installation na ito ay magpapakita ng kwento ng paglikha mula sa araw, ulan, bundok, halaman, hayop at tao na may hugis na Christmas Tree.
Kaya mga idol, makibahagi na sa pagdiriwang ng Silahis ng Pasko at wag kalimutan ang mga selfie mo.