Silbato Muling Ibinalik Bilang Bahagi ng Uniporme ng mga Valley Cops

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City – Ipinag utos ng pamunuan ng Police Regional Office 2 ang paggamit ng silbato (whistle) ng mga pulis sa tuwing ito ay gaganap sa kanilang tungkulin.

Ito ang napag-alaman ng RMN News Team sa ipinaabot na impormasyon ni ni PRO2 Police Community Relation Chief PSupt Chevalier Iringan.

Sa ibinabang kautusan ni PRO2 Regional Director PCSupt Jose Mario M. Espino, simula Pebrero 1, 2018, ang bawat miyembro ng PNP sa Rehiyon 2 lalo na ang mga pulis na nakatalaga sa labas upang magmando ng trapiko at magpatrulya na magdala ng silbato sa tuwing sila ay papasok sa trabaho bilang bahagi ng kanilang uniporme.


Ipinaliwanag ni RD Espino na ang silbato ay isang bagay na karaniwang ginagamit ng pulis para makagawa ng tunog na sipol sa pagpapatupad ng batas trapiko at nakakatulong ito upang maibigay ang mabilis na hudyat.

Aniya, malaking tulong din ito upang pigilan o bigyang babala ang sinumang may masamang balakin.

“Pinabalik ko ang paggamit ng silbato dahil nakita ko ang kahalagahan nito sa isang pulis sa pagganap nito sa kanyang tungkulin. Sa halip na sumigaw ito, mas mapapabilis ang pagbibigay hudyat at babala sa mga motorsita sa lansangan o sinumang taong makikitang lalabag sa batas,” ani RD ESPINO.

Matatandaan na nauna na ring ginamit ng PNP bilang bahagi ng uniporme ang silbato na may kasamang “larnyard” noong 2008 ngunit tinanggal ito ng Directorate for Logistics matapos lumabas sa kanilang survey na karamihan ay pumabor na tanggalin ito noong taong 2014.

Magpagayunpaman, sa ilalim ng PNP Prescribed Unit Lanyard na pirmado ng The Chief Directorial Staff (TCDS) noong ika 23 ng Abril 2014, ang lanyard na may silbato ay maaaring gamitin parin sa mga espesyal na okasyon tulad ng PNP Police Service Anniversary, Turn-over Ceremony at iba pa.

Facebook Comments