Target ng bagong itinalagang Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang casualty-free elections sa 2025.
Sa ginanap na turnover ceremony sa DILG central office, sinabi ni Remulla na ang marching orders sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga kandidato at publiko sa darating na botohan.
Inihalimbawa ni Remulla ang ginawa niya sa lalawigan ng Cavite na binigyan niya ng mobile patrol vehicle ang bawat kandidato sa pagka-alkalde para i-secure sila bukod sa kanilang mga personal na bodyguard.
Ani Remulla, batay sa kanyang mga inisyal na assessment, ang mga lugar na maaaring isama bilang hotspot sa 2025 elections ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cagayan, Nueva Ecija, at Palawan.
Hihingin aniya niya ang tulong ng lahat ng ahensya at gobyerno para maging mapayapa at maging ‘zero casualty’ ang halalan sa 2025.
Samantala, pinaimestigahan na umano ni Remulla sa mga awtoridad ang insidente ng pamamaril sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC), kung saan lima ang naiulat na sugatan sa insidente.