SILG Remulla, kumpiyansa na maaaresto si dating Cong. Zaldy Co sa kabila ng hamon sa extradition

Hindi nawawalan ng pag-asa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na tuluyang mahuhuli si dating Ako-Bicol Partylist Representative Zaldy Co, sa kabila ng mga hamon na may kinalaman sa extradition.

Ayon kay Remulla, mas lalong lumiliit ang mundo ni Co at posibleng magkamali ito.

Una niyang kinumpirma na nasa Portugal ang dating kongresista at may hawak itong Portuguese passport.

Sinabi ni Remulla na sa ngayon ay wala pang extradition treaty sa Portugal, kaya’t pinaniniwalaan niyang doon nagtatago si Co.

Samantala, nilinaw rin ng kalihim na nakadepende sa batas ng Portugal ang isyu ng dual citizenship ng dating kongresista.

Ani Remulla, kung nakakuha man ng pasaporte si Co bago siya gumawa ng krimen, hindi ito maaaring kasuhan.

Subalit, ayon kay Remulla, maaari naman itong ma-repatriate kung nakuha ni Co ang passport matapos ang pagsasagawa ng krimen.

Sa kabila ng lahat ng ito, kumpiyansa pa rin ang kalihim na mapagbibigyan sila ng Portuguese government sakaling magkaroon ng negosasyon.

Samantala, kinumpirma ni Remulla na nasamsam na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilan sa mga ari-arian ni Co, partikular na ang mga asset nito sa Forbes Park at Bico, na kasalukuyang nasa ilalim ng freeze order.

Isa si Zaldy Co sa mga sangkot sa maanomalyang ₱289.5 million na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, kung saan siyam sa mga ito ay nasa kustodiya na ng awtoridad.

Facebook Comments