SIM card registration ngayong araw, posibleng samantalahin ng mga hacker – IT expert

Kasabay ng pagsisimula ng SIM card registration ngayong araw ay nagpaalala ang isang IT expert sa publiko na manatiling mag-ingat laban sa scam at spam texts.

Ayon sa IT expert na si Jerry Liao, tiyak na may magtatangka pa ring makalusot para makapang-biktima ng mga subscribers.

Aniya, mababawasan pero hindi masasawata ng teknolohiya ang hindi magagandang ginagawa ng mga hacker kaya dapat pa ring proteksyunan ng publiko ang kanilang mga sarili.


“Maraming gumagawa ngayon nito, itong SIM registration law. Marami ang, kumbaga, nagte-take advantage d’yan, nagpapadala ng mga mensahe na sinasabi ‘o kailangan mo nang i-register ang SIM mo. Ito ang click mo’ e hindi naman totoo yung link, tapos magbibigay ng impormasyon. Hindi naman mapupunta sa telco yung impormasyon mo kundi mapupunta sa mga hacker mo,” ani Liao sa interview ng RMN DZXL 558.

“Yung mga ganon, medyo mahirap pigilan yan ng teknolohiya kasi ang proteksyon diyan, nasa atin na gumagamit. Kailangan, i-double check mo, ‘totoo bai to? tama ba ito?’ ganyan, ano,” dagdag niya.

Kaugnay nito, dapat aniyang magkaroon ng mekanismo upang malaman kung tama ang ibinibigay na impormasyon ng mga magre-rehistro.

Pinayuhan din ni Liao ang publiko na iwasang mag-overshare sa social media upang hindi maging target ng mga hacker.

“Yung mga importanteng information natin, huwag niyong ilalagay online. Minsan, ang problema, oversharing tayo. Sinasabi mo kung nasaan kayo, anong binili mo, binibigyan mo sila [hackers] ng idea kung ano yung purchasing power mo,” giit ni Liao.

“Yung mga ganong information, it may sound harmless to us but to the hackers, that’s a very important information because they get to see your income level. As much as possible let us not overshare yung mga bagay na hindi naman natin normally sinasabi sa mga hindi naman natin kakilala,” punto pa niya.

Facebook Comments