Target nang maipatupad sa darating na Disyembre ang Republic Act 11934 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act.
Sa budget deliberation ng Department of Science and Information Technology (DICT), sinabi ni Senator Grace Poe na sa December 12 inaasahang ilalabas na ng DICT ang Implementing Rules and Regulations o IRR.
Pagnagawa ito ay tiyak na maipapatupad na sa December 27 ang batas.
Matatandaang October 10 nang lagdaan ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang SIM Registration Act, ang unang panukala na naisabatas sa ilalim ng Marcos administration.
Inoobliga ng batas ang registration ng mga SIM bilang panlaban sa mga tinatawag na mobile phone-aided crimes gaya ng text scams.
Sa ilalim pa ng batas, kakailanganin na rin ang SIM registration para ma-activate ang mga bagong SIM.
Ang mga existing SIM user naman ay kailangang magrehistro sa loob ng 180 araw na maaaring palawigin ng karagdagang 120 araw.