Pinaalalahanan ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte ang publiko kaugnay sa nalalapit na deadline ng subscriber identity module o SIM registration sa April 26.
Bunsod nito ay pinag-dodoble kayod na ni Villafuerte pagkalipas ng Holy Week ang Public Telecommunications Entities o PTEs at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa SIM registration.
Pangunahing tinukoy ni Villafuerte na dapat puspusang kumilos katuwang ang PTEs ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC).
Tatlong linggo na lang bago ang deadline pero sa impormasyon ni Villafuerte ay nasa 100 million mahigit na SIM cards pa ang kailangang i-rehistro.
Mungkahi ni Villafuerte, dagdagan pa ang mga SIM registration booths o assistance desks sa mas maraming lugar sa bansa lalo na sa mga malalayo at liblib na lugar.