All systems go na ang Simbahan ng Quiapo para sa pista ng Itim na Poong Nazareno o Nazareno 2023.
Sa media conference kanina na dinaluhan ni Manila Mayor Honey Lacuña, Manila Police District (MPD), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng iba pang ahensya ng gobyerno, inilatag ng pamunuan ng Quiapo Church ang mga panuntunan sa naturang pagdiriwang.
Ayon kay Nazareno Adviser Alex Irasga, wala nang tradisyonal na “Traslacion” at “Pahalik” dahil sa banta ng COVID-19.
Pero gaganapin ang Walk of Faith, “Pagpupugay” at mga misa sa Quirino Grandstand mula January 7 hanggang 9.
Ang ruta ng Walk of Faith ng poon ay magsisimula ng ala-1:00 ng madaling araw sa January 8, sa Quirino Grandstand patungong simbahan ng Quiapo.
Ang prusisyon ay inaasahang tatagal ng higit dalawang oras.
Para naman sa mga dadalo ng misa sa Quiapo Church, ang full seating at standing capacity sa loob ng simbahan.
Pinapayagan din ang pagsusuot ng tsinelas at sapatos ng mga deboto, pagdala ng mga maliliit na replika ng imahen, wheel chair, maliliit na camera, portable chair at flashlight at transparent na kapote.
Ipinagbabawal naman ang pagdadala ng malalaking replika, banners, drone at professional camera, selfie stick, matatalas na bagay, pyrotechnic devices, tents at picnic items at malalaking bag.
Samantala, inihahanda na rin ang bahagi ng Quirino Grandstand para sa mga inilatag na aktibidad kaugnay sa Nazareno 2023.