Bukas ang pamunuan ng Simbahan ng Quiapo sa plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila na makipag-usap at makipag-ugnayan hinggil sa tradisyunal na selebrasyon ng kapistahan ng Quaipo o Traslacion 2021.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, lagi naman silang nakikipag-ugnayan sa City Hall pero dahil sa kasalukuyang sitwasyon hihintayin nila ang plano ng Manila City Local Government Unit.
Bukod dito, makipag-ugnayan sila para sa ilang mga usapin hinggil sa nasabing aktibidad.
Sinabi naman ni Mayor Isko Moreno na hihingi ang lokal na pamahalaan sa Quiapo Church ng mga plano kung papaano mapaghahandaan na maging maayos at ligtas ang Translacion 2021.
Una nang inihayag ni Fr. Badong na may mga pinag-aaralan silang mga protocol upang higit na mapangalagaan at maingatan ang kapakanan ng mga mananampalataya.
Sinabi rin ni Fr. Badong na isa sa tinitignan nilang paraan upang maidaos ang Traslacion ay ang motorcade at kung papayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kanilang rekomendasyon ay mapapaghandaan nila at lalo pang mapaigting ang paghihigpit sa mga protocol upang maiwasan ang posibleng pagbuhos ng mga deboto.
Sinabi naman ni Mayor Isko na kailangan pag-aralan at plantsahin ang mga plano o hakbang ng Simbahan ng Quiapo ng maaga lalo na’t may mga bagay na hindi umano kayang makontrol sa panahon ng pandemya.
Binigyan diin din ng alkalde na pinaka-importante para sa pamahalaang lungsod ang kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan dahil hindi pa rin maiaalis ang banta ng COVID-19.