Naniniwala ang simbahan ng Quiapo na nararapat lamang ang paghihigpit ng seguridad sa kabuuan ng mga aktibidad ng Nazareno 2024.
Ito ang pahayag ng simbahan kasunod ng security measures na isinasagawa na ngayon sa paligid ng Quiapo church.
Partikular ang paglalagay ng dalawang malalaking x-ray machine at metal detectors sa Plaza Miranda.
Ayon kay Father Hans Magdurulang, tagapagsalita ng Quiapo Church, mas eksperto ang mga awtoridad na nagbibigay ngayon ng seguridad.
Suportado aniya ito ng simbahan at nagtitiwala sa hangarin ng mga ito dahil ang ginagawang paghihigpit sa seguridad ay para sa kaligtasan ng lahat.
Aminado rin sila na hindi lahat ay kaya nilang gawin at gampanan kaya ipinauubaya nila ang seguridad sa mga awtoridad.
Kasunod nito ay umapela naman si Father Hans sa publiko na dadalo sa Kapistahan ng Itim na Nazareno na magtiwala lamang at sumuporta sa mga ginagawang pag-iingat ng nga kinauukulan.
Alam aniya ng mga ito ang nararapat na gawin para sa ikatatagumpay ng banal na aktibidad na nakasandal sa tatlong mahalagang adhikain: ang banal, maaayos, at ligtas ng pagdiriwang ng Nazareno 2024.