
Nilinaw ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na wala silang ineendorsong pagtitipon o paglahok sa malawakang kilos protesta sa susunod na linggo.
Ayon kay Caritas Philippines President Bishop Jose Colin Bagaforo, hindi lalahok ang Simbahang Katolika sa isasagawang mga pagtitipon mula November 16 hanggang November 18.
Magdaraos ng tatlong araw na rally ang ilang religious groups partikular na ang Iglesia ni Cristo sa nasabing petsa na ikakasa sa Luneta Park.
Inaasahang makikiisa rin dito ang Kingdom of Jesus Christ ni Pastor Apollo Quiboloy para manawagan sa pamahalaan ng transparency at ipagdasal ang bayan sa gitna ng mga isyu ng maanomalyang government projects.
Pero iginiit ng grupo na hindi sila makikiisa sa anumang panawagan ng destabilisasyon sa pamahalaan.
Una nang sinabi ni CBCP President Pablo Virgilio Cardinal David na dapat piliin ang landas na hindi marahas, sumunod sa Konstitusyon at mapayapang lumahok sa demokrasya.
Hindi rin daw nila susuportahan ang anumang paraan na labag sa Saligang Batas o panawagan na may halong pamumulitika.









