Wednesday, February 18, 2026

Simbahang Katolika, hiniling sa mga deboto na mag-disconnect muna ngayong Kuwaresma

Nanawagan ang Catholic Church sa mga mananampalataya na pansamantalang mag-disconnect o umiwas muna sa makabagong teknolohiya ngayong panahon ng Kuwaresma.
Kasabay ito ng paggunita ng Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng 40-day Lenten season.

Ayon kay Rev. Fr. Rico John Bilangel, rector ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help, ito ang panahon ng pagmumuni-muni, pagsisisi, at pagbabalik-loob sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at pagbibigay-limos.

Hinikayat din niya ang mga deboto na maging taimtim at totoo sa kanilang mga gawain at iwasang i-post pa ang mga ito sa social media.

Aniya, nabubuhay na ang lipunan sa isang “performative age” kung saan nagiging content ang kabutihan, nagiging branding ang charity, at nagiging palabas ang pagdarasal.

Dahil dito, paalala niya sa mga mananampalataya na isapuso ang tunay na diwa ng Kuwaresma at ituon ang pansin sa personal na ugnayan sa Diyos kaysa sa pagpapakita nito sa online platforms.

Facebook Comments