Simbahang Katolika, mag-aalay ng misa para sa frontliners

Mag-aalay ng misa para sa healthcare workers o medical frontliners ang Simbahang Katolika na itinuturing na national heroes sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.

Pangungunahan ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang “mass for frontliners” na idaraos sa San Felipe Neri Parish, Mandaluyong City.

Gaganapin ito ng alas-9:00 ng umaga, bukas, September 15, 2021 kung saan makakasama ni Cardinal Advincula si Rev. Fr. Hans Magdurulang na siyang kura-paroko ng nasabing simbahan.


Ang mass for medical frontliners ay isasagawa bilang pagkilala at pagbibigay halaga sa mga health worker na itinataya sa panganib ang buhay para bigyan ng tulong at iligtas ang mga nahawaan ng COVID-19.

Itinuturing man na mga bayani sa gitna ng pandemya, hindi naman binibigyan ng kasalukuyang administrasyon ng halaga at napabayaan ang kapakanan ng mga healthcare worker na siyang nangunguna para matugunan ang krisis bunsod ng pandemya.

Matatandaan na nakapaloob sa Bayanihan 1, 2 Law at Administrative Order 36 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng pribado at pampublikong healthcare workers na tumutugon upang mapigil ang paglaganap ng COVID-19 ay makakatanggap ng Special Risks Allowance (SRA) pero hindi pa rin ito ganap na naisasakatuparan.

Facebook Comments