Simbahang Katoliko dapat buksan ang isip at unawain ang mga mensahe ni PRRD

Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na dapat ay buksan ng simbahang Katoliko ang kanilang mga mata upang makita at maintindihan ang mga nilalaman ng mga talumpati o ibig sabihin ng Pangulo sa tuwing ito ay nagsasalita.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kung magiging malawak lang ang pang-unawa ng mga taga simbahan ay mapagtatanto ng mga ito na tama ang mga senimyento ni Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati.

Sinabi pa ni Panelo na mataas ang paggalang ng Pangulo sa mga Katoliko at sa katunayan ay ilang mga hakbang na ang ginawa ng Pangulo upang ipakita ang kanyang paggalang sa Catholic faith.


Isa aniya ito sa pagsasabatas ni Pangulong Duterte sa National Bible Day sa bisa ng RA number 11163.

Nakiisa din aniya ang Pangulo sa kapistahan ng Itim na Nazareno kamakailan kung saan ay ipinaabot ng Pangulo ang kanyang paghanga sa debosyon ng mga mananampalataya.

Pero binigyang diin din naman ni Panelo na kung magpapatuloy ang mga birada ng simbahan sa Pangulo ay huwag nang umasa ang mga ito na hihinto ang Pangulo sa kanyang pagsasalita sa mga ito.

Facebook Comments