Simbang Gabi sa Cauayan City, Naging Mapayapa

Cauayan City, Isabela- Naging mapayapa at ligtas ang siyam (9) na araw ng pagdaraos ng Simbang gabi sa Our Lady of the Pillar Parish Church sa Lungsod ng Cauayan.

Ito ang inihayag ni Ret. Col Pilarito Pitok Mallillin, ang pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City kung saan mula December 16 hanggang sa pagtatapos ng ika-siyam na araw ng Simbang gabi ngayong araw, December 24, 2021, maituturing aniyang payapa dahil wala namang mga naiulat na “untoward incidents” sa mga araw na idinaraos ang Misa de Gallo.

Bagamat naging mapayapa ang pagdaraos ng siyam na araw ng simbang gabi ay marami naman sa mga naki simbang gabi ang hindi pinayagang makapasok ng gate ng simbahan dahil sa kanilang hindi maayos na kasuotan.


Ayon sa hepe, sagrado aniya ang simbahan at kailangang irespeto kaya’t kung dadalo aniya ng misa ay magsuot ng tama o disente.

Bukod sa mga debotong hindi pinayagang makapasok sa gate, may mga hinuli ring mga menor de edad dahil naman sa kanilang pagpapakita ng walang disiplina o nagrarambulan habang isinasagawa ang misa.

Samantala, sa pagtatapos naman ng pagbabantay ng POSD Cauayan sa Our Lady of the Pillar Parish Church, nagsimula naman ngayong araw ang kanilang information dissemination sa Lungsod para paalalahanan ang publiko kaugnay sa mga dapat gawin sa pagbili at paggamit ng paputok upang makaiwas sa posibleng disgrasya.

Facebook Comments