Nagpaalala ang lokal na Tourism Office ng Agno, Pangasinan na hindi pa bukas sa publiko ang bagong tuklas na pasyalan na Simmimbahan Cave sa Barangay Tupa.
Ito ay matapos mapaulat na may ilang turista ang nagtangkang bumisita sa lugar kahit hindi pa ito opisyal na binubuksan.
Sa isinagawang inspeksyon ng lokal na pamahalaan, makikitang mayroon nang mga nakalagay na ilaw sa loob ng kweba bilang gabay sa mga bibisita, at tampok dito ang mga likas na tanawin at mga ibong naninirahan sa loob.
Ipinaliwanag ng tanggapan na ang paalala ay para matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang likas na yaman ng lugar.
Batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Simmimbahan Cave ay Class II Cave, ibig sabihin ay may mga bahagi itong kailangang isara o limitahan ang pagpasok dahil sa sensitibong ecosystem.
Hinimok ng lokal na pamahalaan ang publiko na huwag munang bumisita at makipag-ugnayan muna sa mga kinauukulang opisina bago magtungo sa naturang lugar.









