Manila, Philippines – Inihain ni Committee on Education, Arts and Culture chairman Sen. Chiz Escudero ang Senate Bill. No. 1432 na nagtatakda ng sabay sabay na pagsisimula ng pasukan sa mga paaralan sa buwan ng agosto o kaya ay setyembre na target maipatupad sa taong 2018.
Ipinunto ni Escudero na mahalagang maiayon ang eskedyul ng pasukan sa pilipinas sa eskedyul ng klase sa buong mundo.
Nakapaloob din sa panukala na dapat synchronized o magkakasabay ang school opening sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.
Tinukoy din ni Escudero ang rankings ng mga educational institutions sa buong mundo kung saan lumalabas na napagiiwanan ng mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation ang ating mga pangunahing unibersidad.
Ayon kay Escudero, iminumungkahi niyang pagbabago sa academic calendar ay magbibigay daan para mapag ibayo ang partisipasyon ng mga pilipinong estudyante sa educational programs sa ibang bansa gayundin ang koordinasyon sa pananaliksik ng mga local at international universities.
Dagdag pa ni Escudero, mabibigyan din nito ng pagkakataon ang mga estudyanteng naninirahan sa mga agricultural communities na tumulong sa kanilang mga pamilya sa pagtatanim o pagbubukid.
DZXL558, Grace Mariano