Nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng simulation exercise bilang bahagi ng kanilang COVID-19 vaccination activities.
Partikular na ikinasa ang simulation exercise sa Universidad de Manila (UDM) kung saan ang ilang doktor, barangay health workers, personnel ng Manila City Government at ilang indibidwal na nagkunwaring pasyente ang lumahok sa nasabing aktibidad.
Isinagawa ng Manila Local Government Unit (LGU) ang nasabing exercises upang malaman kung magiging maayos ang inilatag nilang plano sakaling makabili na ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, paraan din ito para makita nila kung may dapat na ayusin o baguhin sa kanilang sistema sa gagawing pagbabakuna sa mga residente at hindi residente ng lungsod ng Maynila.
Muling iginiit ni Moreno na tanging bakuna na lamang ang kanilang hinihintay at lahat ng plano at program ay nakahanda na kung saan tinatapos na rin ang kanilang COVID-19 vaccine storage facility sa loob ng Sta. Ana Hospital.