Magsasagawa ng simulation exercises bukas ang Department of Health (DOH) para makita ang magiging sitwasyon sakaling dumating na ang COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tatlong malalaking ospital ang kanilang magiging katuwang sa simulation exercise.
Layon nito na matiyak na walang masasayang na bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Vergeire, magkakaiba ang kanilang gagawing proseso sa bawat uri ng bakuna.
Halimbawa aniya para sa 2 to 8 degrees na bakuna, pagdating sa bansa mula sa airport ay diretso agad ito sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa storage.
Mula sa RITM, dadalhin naman ito sa mga Regional warehouse para ipamahagi naman sa Local Government Units (LGUs).
Ganito rin aniya ang magiging sistema para sa negative 20 temperature.
Para naman sa mga bakuna na nangangailangan ng ultra-low temperature, 20 ang target nilang oras mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong RITM warehouse.
Pagdating sa RITM, iinspeksyunin aniya agad ang mga bakuna para matiyak na hindi nagbago ang temperatura nito.
Masyado aniya kasing sensitibo mga bakuna na may ultra-low temperature.