Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Ryan Magusib, Admin Aide ng LGU Benito Soliven, kanyang sinabi na layunin ng kanilang isinasagawang Simulation training na marefresh muli at mapabuti ang kaalaman ng mga Rescuers ng Benito Soliven pagdating sa pagresponde at pagtugon sa mga nasasangkot sa aksidente.
Ayon kay Magusib, napili ang bahagi ng kahabaan ng Brgy District 2 ng nasabing bayan sa pagsasagawa ng simulation training dahil dito aniya madalas nangyayari ang mga disgrasya dahil na rin sa mga pakurba at madulas na bahagi ng kalsada.
Pinaliwanag nito na ang kanilang ginagawang simulation ay para maipakita sa mga motorista na prone accident area ang nasabing bahagi ng daan para sa ganon ay mabigyan ng ideya at babala ang mga motorista para makaiwas sa aksidente.
Sa nakalipas na linggo ay nakapagtala na ang Rescue Benito Soliven ng apat na vehicular accident kung saan ilan sa mga ito ay positibo sa nakalalasing na inumin.
Gayunman ay agad namang nadadala ng mga rescuers sa pinakamalapit na ospital ang mga nasasangkot sa aksidente at karamihan naman sa mga ito ay nasa maayos na kalagayan.
Paalala naman nito sa mga motorista na mag-ingat at huwag mabilis sa pagmamaneho para iwas sa aksidente.