Sin tax hike, isinusulong sa Kamara para mapondohan ang Universal Health Care

Sa ikasampung taon ng Sin Tax Reform Law of 2012 ay isinulong ng AnaKalusugan Party-list sa Mababang Kapulungan na maitaas ang sin tax upang mapondohan ang Universal Health Care o UHC.

Ayon kay AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes, layunin nito na masigurong mabibigyan ng mas mahusay na serbisyong pangkalusugan ang mga Pilipino.

Tiwala si Reyes na ang pagtaas sa sin tax ay hihikayat din sa mamamayan, lalo na sa mga kabataan na magkaroon ng healthier lifestyle sa pamamagitan ng paglayo sa bisyo tulad ng paninigarilyo, at pagtangkilik sa mga inumin na nakalalasing at sobrang matamis.


Tinukoy ni Reyes ang resulta ng pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute na bumaba ang bilang ng mga kabataang gumagamit ng alcohol, cigarette at vape dahil sa pagtaas ng halaga ng mga sin products.

Binanggit din ni Reyes ang pag-aaral ng Young Adult Fertility and Sexuality Study na mula sa 22% noong 1994 ay bumaba sa 12% noong 2021 ang bilang ng mga kabataang naninigarilyo mula sa edad 15 hanggang 24.

Bunsod nito ay sinabi ni Congressman Reyes na tuloy-tuloy ang kanilang mga pag-aaral upang mapataas ang buwis na ipinapataw sa vape products at sugary drinks na parehong nagdudulot umano ng iba’t ibang sakit.

Facebook Comments