Sinag, bumwelta sa mga meat processors na nagbanta ng pagbaba ng kanilang produksyon sa pag-ban ng DA sa mga karne ng kalabaw sa India

Tinawag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na isang uri ng pangba-blackmail ang babala ng mga meat processors na magkakaroon ng kakulangan sa produksyon.

Kasunod ito nang pagsuspinde ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) para sa karne ng kalabaw mula sa Bihar, Maharashtra at Telangana sa India.

Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, dapat na umanong ihinto ang ganitong pananakot.

Aniya, nakamit ng bansa ang Foot and Mouth Disease (FMD) – free status, nang walang pagbabakuna, noong 2007 at muling nakumpirma noong 2018.

Giit ni So, para mapanatili ang status na ito, mahigpit na sinusunod ang mga alituntunin at protocol ng World Organization for Animal Health (OIE) sa pag-iwas sa muling paglitaw ng FMD.

Aniya, dapat munang makamit ng mga rehiyon ng Bihar, Maharashtra at Telangana sa India ang FMD free status na walang FMD, na kinikilala ng OIE, para makakuha ito ng clearance para sa pag-export.

Pangunahing nakakaapekto ang FMD sa mga baka, baboy, tupa, kambing, at kalabaw, na posibleng makompromiso ang pambansang seguridad sa pagkain.

Facebook Comments