Nagpasalamat ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtanggal sa price cap sa bigas.
Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, ikinatuwa ng agriculture sector ang naging aksyon ng pangulo sa kabila ng mariing pagtutol dito nina Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Giit ni Cainglet, walang rice shortage sa bansa.
Dagdag ng SINAG, sa halip na sisihin ang mga mga magsasaka sa tuwing may krisis sa bigas, mas makabubuting habulin ang mga nasa likod ng hoarding, profiteering at smuggling.
Muling ipinanawagan ng grupo ang pagbibitiw sa tungkulin nina Diokno at Balisacan dahil inilagay nila sa masamang larawan ang pangulo.
Dagdag ni Cainglet, ang pagbaba sa approval ratings ni Pangulong Marcos ay dahil sa palpak na payo nina Diokno at Balisacan na umasa na lang sa importasyon sa halip na palakasin ang local production ng palay.