Iginiit ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at iba pang organisasyon na hindi umano sagot ang Rice Tarriffication Law (RTL) sa tumataas na presyo ng bigas.
Bukod sa bigas, ay nagpahayag din ang mga grupo ng pagtutol sa taripa ng ibang produkto gaya ng karneng baboy, manok, at mais.
Ayon sa pahayag mula sa SINAG, ang plano ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na P29 kada kilong presyo ng bigas na walang subsidy mula sa imported rice ay “imaginary o wishful thinking” lamang.
Batay sa kanilang ibinahaging komputasyon alinsunod sa panukala ng NEDA, ang magiging halaga lamang ng imported rice ay aabot sa $356.75 per MT.
Subalit, sa kasalukuyan ay nasa $635/MT na ang halaga ng imported rice o katumbas ng landed cost na P45.07/kilo, dagdag pa ang retailer’s level na P4.00-P6.00 kaya naman humigit-kumulang na P52.00 na ang retail price.
Ibig sabihin ay nasa P21.00 – P22.00 ang kailangang i-subsidize mula sa buwis.
Maaari ring umabot sa P15 Bilyon hanggang P20 Bilyon ang mawawala sa gobyerno sa tariff collection, at gagastos pa umano ito sa subsidy ng imported rice.
Talo rin umano ang mga magsasaka dahil ang naturang panukala ay maaring magdulot ng pressure sa kanila na ibagsak ang farmgate ng palay sa P17/kilo upang maabot ang mababang presyo ng bigas.