SINALANTA NG BAGYO | 9 na lugar, nasa ilalim ng state of calamity

Manila, Philippines – Siyam na lugar na ang naitalang nasa state of calamity matapos ang pananalasa ng bagyong Vinta.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan, nadagdag na nasa ilalim ng state of calamity ang Cabasalan, Zamboanga Sibugay, munisipalidad ng Balabac, Aborlan at Bataraza sa Palawan.

Dagdag din dito ang Tambulig, Zamboanga del Sur; Bacolod, Lanao del Norte; buong probinsya ng Lanao del Norte; Labason, Zamboanga del Norte; at Salug, Zamboanga del Norte.


Hanggang sa ngayon ay hirap pa rin ang ilang lugar sa Palawan, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Davao del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur at Lanao del Sur sa suplay ng kuryente at sa signal sa cellphone.

Paliwanag ni Marasigan, natatagalan ang pagbabalik sa suplay ng kuryente at signal ng cellphone dahil literal na binibitbit ang mga poles at iba pang gamit.

Samantala, bagamat hindi pa naman pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Urduja at Vinta na muling lumikas dahil sa posibleng salantain nanaman ang kanilang mga lugar ng namumuong sama ng panahon, pinaa-alerto naman ng NDRRMC ang mamamayan sa mga pag-ulan na mararanasan.

Dagdag pa ni Marasigan, bukas ng gabi ng December 30 o umaga ng December 31 ay maramdaman na ang mga pag-ulan sa Northern Mindanao at Caraga region.

Kapag nakapasok sa bansa ang LPA bago matapos ang taon ay tatawagin itong bagyong Wilma pero pag ito ay umabot sa January 1, ito na ang magiging unang bagyo sa 2018 na tatawagin namang bagyong Agaton.

Facebook Comments