Nagdaos ng memorial mass sa Stockholm Sweden ang mga naulilang pamilya at kaibigan ng isang Pinay na namatay dahil sa pambubugbog ng asawa.
Ang 28 taong gulang na Filipina na si Mailyn Conde Sinambong ay tadtad ng pasa ang buong katawan at ang itinuturong suspek sa krimen ay walang iba kundi ang asawa nitong si Steve Abou Bakr Aalam na isang Swedish actor-director.
Inorganisa ang misa ng Philippine Embassy sa Oslo at idinaos sa Heliga Trefaldighets Catholic Church.
Dumalo sa misa si Consul General Ma. Elena Algabre, myembro ng Filipino Community at ang mga naulila nitong kaanak at kaibigan.
Kasunod nito inaasahang makikipagpulong si Consul General Algabre sa mga otoridad at piskal na humahawak ng kaso ni Sinambong.
Tatalakayin din kung kaninong kustodiya mapupunta ang 2 naulila nitong anak na 10 taong gulang na lalaki at 4 na taong gulang na babae.
Inihahanda na rin ang repatriation o pagbabalik sa bansa ng mga labi ng biktima.
Sa report hawak na ng mga otoridad ang asawa ni Mailyn at nakatakdang sampahan ng kasong murder.
Una nang tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya at kamag-anak sa Pilipinas na bibigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.