Muling tiniyak ng awtoridad sa Sweden na mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Mailyn Conde Sinambong sa Kista, Stockholm Sweden kamakailan.
Ang pagtiyak ay ipinaabot ng mga prosekutor sa kapatid ni Mailyn na si Angel Monato at pinsan na si Maritchu Osabel sa isang pulong sa Stockholm.
Ang dalawang kamag-anak ay lumipad mula sa Cebu sa tulong ng DFA Office of Migrant Workers Affairs (OMWA), upang makita ang mga labi ni Mailyn at makipag-ugnayan sa lahat ng relevant Swedish authorities.
Matatandaan na kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na namatay sa bugbog ang Filipina noong Setyembre 23, 2018.
Tadtad ng pasa ang buong katawan ng 28 taong gulang na si Mailyn Conde Sinambong may asawa at dalawang anak.
Pinatay umano sa bugbog ang biktima batay sa mga marka sa katawan nito.
Ang suspect sa krimen ay ang mismong asawa ni Mailyn, ang limampung taon gulang na Swedish actor-director na si Steve Abou Bakr Aalam.
Samantala, wala pang pahayag ang DFA kung iuuwi sa Pilipinas ang bangkay ni Mailyn.