Bulacan – Sinampahan ng apat na kaso ng murder at 43 counts ng Frustrated murder sa Office of the Ombudsman si San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes at kaniyang asawang si Congresswoman Florida Robes.
May kinalaman ito sa malagim na nangyaring pagsabog ng tangke ng tubig noong Oktubre 2017 sa San Jose Del Monte,Bulacan.
Ang kaso ay isinampa ng first councillor at pangunahing tagasalungat ng pagsasapribado ng water services sa nabanggit na bayan na si Irene Del Rosario.
Kasunod ito ng paglutang ng dalawang taga Calapan Oriental Mindoro na nagpahayag na inutusan sila ng mga Robes na gumawa ng imbentong akusasyon para i-ugnay ang konsehala sa insidente.
Ayon sa Dalawang testigo, inupahan sila sa halagang 8,000 pesos para pumirma ng pekeng affidavit na nagtuturo sa konsehala na utak umano ng pagsabog ng tangke.
Una nang sinalungat ng konsehala ang privatization dahil may 1.8 billion na kita ang Water District na sapat para magkaroon ito ng modernong pasilidad.
Iginigiit ni Del Rosario na sinadya ang pagpapasabog para bigyan daan ang joint venture agreement sa Prime Water Infrastructure Corporation at ng Water District ng San Del Monte Bulacan.