Iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na pumili ng mapagkakatiwalaan nitong heneral na mamumuno sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año matapos italaga ni Pangulong Duterte si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Debold Sinas bilang susunod na Chief PNP.
Ayon kay Año, kwalipikado si Sinas sa posisyon at inaasahang magiging maigting ang kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, komunismo at terorismo.
Pero sinabi ni Año na dapat magtakda ng mataas na standards si Sinas pagdating sa performance at disiplina.
Si Sinas ang nakatakdang humalili kay outgoing PNP Chief Police General Camilo Cascolan na nakatakdang magretiro ngayong araw.
Nabatid na nasangkot sa kontrobersiya si Sinas matapos magkaroon ng “mañanita” sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kung saan nagkaroon ng paglabag sa COVID-19 health protocols partikular ang pagsasagawa ng mass gatherings.