Makatwiran ang ipinataw na P270 hanggang P300 na price ceiling sa baboy ng Department of Agriculture (DA).
Tugon ito ng isang consumer group kasunod ng panawagan ng ilang hog raisers na itigil ang pagpapatupad ng price cap.
Katwiran ni Laban Konsyumer President Atty. Vic Dimagiba, hindi na lugi ang mga hog raisers dahil noon pa man ay nagbigay na ang gobyerno ng P55 kada kilo na dagdag sa farmgate price ng mga karneng baboy bilang ayuda sa gitna ng epekto ng African Swine Fever (ASF).
“Dun po sa farmgate price ng baboy na P145 dinagdagan nila ng P55, actually P200 na nga ang lumabas na computation sa Agriculture. Kaya ‘yon pong P270 sa retail, makikita mo naman, kumbaga ang laki ng ibinigay na sayong tulong sap ag-input ng ASF sa presyo ng baboy mo plus ‘yong P200 na yun may 11% mark-up na ‘yong magbabababoy,” ani Dimagiba.
Samantala, ayon kay Dimagiba, dapat na pag-aralang mabuti ng DA ang plano nitong pagpapataw rin ng price ceiling sa farmgate at traders’ price ng baboy.
“Ang Price Act kasi, retail lang pinag-uusapan. Siguro pag-usapan na maigi, baka naman nakikialam na sila sa negosyo mismo. Bigyan mo ng flexibility rin ‘yong negosyante at least general statement ‘no, kasi siya naman yung nagpapatakbo ng negosyo niya. Ang pamahalaan, under the Price Act, ang concern nila bantayan ang presyo sa retail,” dagdag niya.
Humiling naman ng malawakang dayalogo sa isyu ng presyo at suplay ng baboy at manok ang mga hog raisers at poultry farmers.
Babala pa ng Agriculture Sector Alliance of the Philippines, posibleng magtagal pa ang pork holiday at tumaas ang presyo ng iba pang mga bilihin dahil sa price ceiling.