Manila, Philippines – Nasa 40 tricycle na patuloy na pumapasada sa Katipunan road ang hinuli ng mga tauhan ng MMDA ngayong araw.
Ikinagulat umano ng mga tricycle driver ang panghuhuli ng MMDA dahil ang pagkakaalam nila ay nagkasundo na ang Quezon City government at MMDA na exempted sila sa pagbabawal na makadaan sa national road.
Bukod sa mga tricycle driver, nagrereklamo na rin pati ang mga senior citizen at persons with disability na kinailangang maglakad nang malayo dahil sa kawalan ng tricycle sa Katipunan Avenue.
Pero sabi ni MMDA Chief for Operations Bong Nebrija – titigilan lang nila ang panghuhuli sa mga tricycle sa katipunan road kapag nakapagbigay ng sulat ang QC government na may ginagawa na silang hakbang hinggil sa usapin.
Base sa napag-usapan ng MMDA at lokal na pamahalaan, papayagan lang sa main road ang mga tricycle kung ito ay sa gilid lang dadaan at hindi lalabag sa batas-trapiko.
Maaari lang din daw dumaan sa main road kung walang ibang alternatibong madadaanan.
Mungkahi naman ni QC Vice Mayor Joy Belmonte – kung walang alternate route, maglagay na lang ng tricycle lane para magsakay at magbaba ng mga estudyante malapit sa kanilang paaralan.
Ipinatupad ang tricycle ban sa malalaking kalsada para maiawasan ang anumang aksidente at maprotektahan ang mga commuter.