Sindikato sa Department of Agriculture, nais paimbestigahan

Pinabubuwag ni Senator Imee Marcos ang namamayagpag na sindikato ng mga kawatan sa Department of Agriculture (DA) matapos nilang gamitin ang Office of the President para palusutin ang binabalak na importasyon ng asukal.

Sa inilabas na pahayag ng senadora sa ginanap na balitaan sa Maynila, pinuri niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagbasura sa planong importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal, kasabay ng hirit na magsagawa ng rigodon sa matataas na opisyal ng DA para buwagin na ang kriminal at sindikato sa gobyerno.

Nabatid na nakarating sa opisina ni Marcos ang sumbong ng mga lokal na producer ng asukal na sumirit ang presyo nito ng lampas sa P100 kada kilo dahil binabakuran ng mga switik na manufacturer ng sugared products ang mga imported na asukal kaya hindi na ito umaabot sa mga konsyumer.


Dagdag pa ng mga producer, may dalawang linggo nang inabanse ng mga sugar miller ang pagproseso sa lokal na asukal na ilalagak sa mga retailer sa katapusan ng buwan.

Pinaiimbestigahan din ni Marcos si DA Undersecretary Leocadio Sebastian at iba pang mga opisyal ng ahensya kung bakit binawi ang pagharang sa importasyon ng mga processed animal protein (PAP) galing Italy at iba pang bansa na kontaminado ng African Swine Fever (ASF).

Binuko ni Marcos si Sebastian na sumang-ayon sa banta ng ASF sa pirmado nitong memo noong August 5 na magpapalusot sa pag-angkat ng processed animal protein sa bansa.

Dagdag ng senadora, may 1,000 na mga baboy ang pinatay sa Roma noong Hunyo para hindi na kumalat pa ang ASF doon.

Babala ni Marcos, mamemerwisyo na naman sa mga lokal na magbababoy ang ASF oras na pinalusot sa bansa ang porcine processed animal protein gayong ngayon pa lang sila nagsisimulang makaahon sa kanilang babuyan.

Napag-alaman na ginagamit ng lokal na industriya ng pangisdaan ang porcine processed animal protein na feeds sa mga isda na gawa sa balat, dugo at buto ng baboy dahil mas mura itong pagkain ng mga isda na layong maibaba ang presyo

Binigyang diin ni Marcos na hindi tamang magbubulag-bulagan sa posibleng paglusot ng ASF para paboran ang isang sektor sa agrikultura na ikapapamahak naman ng iba.

Facebook Comments