Iginiit ngayon ng grupo ng pork producers na dapat ng mabunyag ang sindikato sa loob ng Department of Agriculture (DA) na tumatanggap ng “tongpats” mula sa mga importer.
Ayon kay Nick Briones, Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines, ipag-utos na sana ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing anomalya.
Nagtataka sila kung bakit mas gusto ng DA na dagdagan ang importasyon ng karne kaysa itaas ang taripa sa mga ini-import na produkto ng baboy.
Nabatid na sa halip na 40 percent ay gagawin na lamang ng DA na limang porsyento ang taripa na lubhang ikakalugi ng pamahalaan.
Ayon pa kay Briones, aabot sa labing-apat na bilyong pisong kita sa taripa taon-taon ang mawawala sa pamahalaan na dapat sana ay maipagkakaloob sa sektor ng agrikultura.
Naniniwala ang grupo na kung tututukan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon sa isyu ng “tongpats” ay matutukoy ang lahat ng sangkot sa anomalya sa DA.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin masolusyunan ng DA ang suliranin na nagpapahirap sa mga magsasaka tulad ng smuggling, African Swine Fever at sobra-sobrang importasyon.