SINERMUNAN | Kakapusan sa suplay ng bigas, walang katotohanan

Manila, Philippines – Lumalabas sa pagdinig ngayon ng Senate Committee on Agriculture na hindi totoo na may kakapusan sa suplay ng bigas sa bansa.

Umani pa ng sermon mula kay Committee Chairperson Senator Cynthia Villar at ilan mga Senador si National Food Authority at NFA Council Vice Chairman Jayson Aquino.

Kinastigo si Aquino dahil sa anunsyo nito na may kakulangan sa suplay ng bigas, gayong ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol ay nasa 96% na rice sufficient ang bansa at tataas pa ito sa 97% sa susunod na taon.


Nanggalaiting sinabi ni Villar kay Aquino na dapat mahiya ito dahil ang maling anunsyo nito ay patunay na bigo itong gampanan ng tama ang kanyang trabaho.

Diin ni Villar, ang pahayag ni Aquino ay nagdulot ng panic at takot sa publiko at naapektuhan ang presyo ng bigas sa merkado.

Hinala pa ni Senator Villar, layunin ng maling anunsyo ni Aquino na i-pressure ang NFA Council para bigyan siya ng authority na umangkat ng bigas.

Naging malinaw sa pagdinig na ang tanging kapos ay ang Buffer Stock o imbak ng NFA Rice na tatagal na lang ng 1.7 days.

Pero sa kabila nito ay atubili si Senator Villar na suportahan ang mungkahi ng NFA Council na umangkat ng bigas para mapanatili sa 27 pesos per kilo ang presyo nito.

Katwiran ni Villar, pwede naman bumili ng palay sa mga lokal na magsasaka sa halagang 18 Pesos mula sa kasalukuyang 17 Pesos per kilo.

Facebook Comments