Manila, Philippines – Sermon at pagkastigo ang inaabot ngayon mula sa mga senador ng mga responsable sa paglalabas sa social media ng video ng rescue operations na isinagawa ng Philippine diplomatic staff sa ilang Overseas Filipino workers o OFWs sa Kuwait.
Dahil sa nabanggit na video ay nagalit ang Kuwaiti Government at idineklarang persona non grata at pinapa-deport pa si Ambassador Renato Villa at nalagay din sa alanganin ang pinaplantsang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, dapat magpaliwanag si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kung paano nakalabas sa publiko ang kontrobersyal na mga video na nagpapakita din ng paglabag ng mga tauhan ng embahada sa diplomatic protocols sa Kuwait.
Umaasa naman si Senator Cynthia Villar na magiging leksyon sa lahat ang problemang idinulot ngayon dahil sa pag-post sa social media ng video kahit hindi naman dapat.
Diin naman ni Senator Win Gatchalian, ang mga sensitibong operasyon ay hindi na dapat inilalabas pa gamit ang internet dahil magiging bukas ito sa iba’t-ibang intepretasyon na tiyak hahantong sa problema.
Binanggit naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, na maraming matagumpay at epektibong rescue mission sa mga OFW’s ang hindi naman kinailangan pang ipangalandakan.
Payo naman ni Senate Majority Leader Tito Sotto III, pagsabihan at isailalim sa orientation ang nasa likod ng pagkalat ng kontrobersyal na video at dapat ang lahat ay maging maingat na.