SINGAPORE – Sinentensyahan ng apat na buwang pagkakabilanggo ang isang 40-anyos na taxi driver matapos mag-post ng fake news sa isang pribadong Facebook group tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa ulat ng Channel News Agency, naghain ng guilty plea ang suspek na si Kenneth Lai Yong Hui sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nakasaad sa mensahe na dapat mag-imbak ng pagkain ang mga kababayan dahil ipasasara raw ng gobyerno ang mga food outlet at coffee shop. Ang mga supermarket naman doon ay magbubukas dalawang beses sa isang linggo lamang.
Ipinadala niya ang mapanlinlang na detalye sa grupong “Taxiuncle,” na mayroong halos 7,500 na miyembro.
Tinanggal ito ng akusado makalipas ang 15 minuto pero huli na ang lahat dahil marami nang nakapag-screenshot ng post.
Pinayuhan din siya ng ibang kasapi na huwag magpakalat ng tsismis.
“I’m very sorry and regretful for what I’ve done. I know I’ve spread something which is false and after thinking, I think it’s not right, so I make a promise that I will never, never do such a thing again,” sabi ni Lai sa isinagawang pagdinig.
Subalit sa kabila nito, nagdesisyon ang hukuman na patawan ng kaukulang parusa si Lai upang hindi gayahin ng iba.
“The psychological fight to allay fear and hysteria is just as important as the fight to contain the spread of COVID-19,” paliwanag ni Deborah Lee, deputy public prosecutor na humawak sa kaso.
Sa huling datos ng Ministry of Health, nasa 33,249 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan doon ng kinatatakutang virus.