Ipinare-refund ni Senator Sherwin Gatchalian sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga siningil nitong bayad sa mga consumers para sa mga delayed na proyekto.
Iginiit ng senador na hindi dapat ang taumbayan ang nagsasakripisyo sa pagpapabaya ng NGCP kaya’t hindi pa rin natatapos hanggang ngayon ang mahigit 70 proyekto kung saan anim dito ay may “national significance” o sadyang mahalaga sa bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na panahon na para patawan ng multa ang NGCP at atasang ibalik sa mga consumers ang kanilang siningil para sa mga naantalang proyekto.
Iginiit pa ng senador na sa dami ng violations o paglabag ng NGCP ay nararapat na itong tanggalan ng prangkisa o ibigay na sa iba ang pamamahala sa transmission lines.
Kasabay nito ay hinikayat ng mambabatas ang Energy Regulatory Commission na i-evaluate at kwentahin ang mga siningil ng NGCP sa mga consumers para sa mga proyekto nitong ilan taon nang delayed o nakabinbin.