Umapela si Senator Sonny Angara sa mga bangko at mobile payment systems na suspendehin muna ang singil sa digital transactions habang may COVID-19 pandemic.
Panawagan ito ni Angara sa harap ng hindi pag-sunod ng ilang bangko at mobile money services sa apela ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palawigin ang waiver para sa PESONet at InstaPay transactions.
Diin ni Angara, mahalaga ang pagtangkilik sa digital payments na isinusulong ng BSP para mabawasan ang physical o cash transactions na isang paraan ng pagkalat ng COVID-19.
Giit naman ni Senator Kiko Pangilinan sa BSP, umaksyon at ipasuspinde o pabawasan ang ipinapataw na bayarin sa mga online financial transactions.
Magugunitang itinigil muna ng mga bangko at mobile fund transfer platforms ang pagpapataw sa transaction fee mula ng ipatupad ang community quarantine noong Marso pero ilan sa mga ito ay muling naningil ngayong October 1.
Inupakan din ni Senador Imee Marcos ang bitin na suspensyon sa mga transaction fees ng mga bangko at financial technology o fintech companies kahit nagpapatuloy pa ang pandemya.
Mungkahi ni Marcos, makabubuting paabutin ang suspensyon sa mga transaction fees hanggang sa kalahating bahagi ng susunod na taon kung kelan inaasahan na may bakuna na laban sa COVID-19.