Asahan ang taas singil sa kuryente ngayong buwan.
Ito’y kasunod ng limang buwang sunud-sunod na bawas singil.
Nasa ₱0.04 kada kilowatt hour (kwh) ang inaasahang madagdag sa inyong electricity bill.
Katumbas ito ng siyam na pisong dagdag sa mga kumokonsumo ng 200 kwh, habang nasa 22 pesos naman ang dagdag kapag 500 kwh ang konsumo sa kuryente.
Ayon kay Meralco Utility Economics Head Larry Fernandez, nagmura ang halaga ng kuryente mula sa mga suppliers sa spot market subalit tumaas ang transmission charge at lumiit ang ikalawang bugso ng refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ang problema pa, mawawala na ang refund sa November bill kaya may dagdag singil ulit sa susunod na buwan.
Kasabay nito, may bahagya ring pagtaas sa singil sa tubig ngayong buwan ang Maynilad at Manila Water dahil sa epekto ng palitan ng piso kontra Dolyar at Japanese Yen.
Nasa ₱0.17 kada cubic meter ang taas sa Manila Water habang ₱0.02 sa Maynilad.