Tataas ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Pebrero, ayon sa abiso ng Dagupan Electric Corporation o DECORP.
Mula sa dating siyam na piso at tatlumpung sentimo kada kilowatt-hour noong nakaraang buwan, umakyat na ito sa sampung piso at dalawampu’t isang sentimo kada kilowatt-hour sa kasalukuyang billing period.
Ipinaliwanag ng DECORP na ang pagtaas ay dulot ng mas mahal na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM, kung saan ibinabase ang bentahan ng suplay sa galaw ng demand, pati na rin sa transmission charges ng National Grid Corporation of the Philippines.
Tinatayang ang isang kabahayang kumokonsumo ng isandaang kilowatt-hour kada buwan ay madadagdagan ng halos siyamnapu’t isang sentimo kada kilowatt-hour sa kanilang bayarin.
Samantala, nananatiling walang pagbabago sa distribution, supply, at metering charges ng DECORP mula pa noong 2015.
Pinayuhan naman ang publiko na magbayad ng kanilang bill sa takdang oras sa mga collection office at accredited payment partners.










