Singil sa kuryente, tiniyak ng Senado na bababa

Tiniyak ni Senator Sherwin Gatchalian na sa mga susunod na buwan ay bababa ang babayaran ng consumers sa singil sa kuryente.

Paliwanag ni Gatchalian, ito ay dahil sa mas mababa na inaprubahang annual revenue ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na P36.7 billion.

Ang naturang halaga ay hindi hamak na napakababa kumpara sa maximum allowable revenue na P43.789-billion na nakolekta sa consumers mula 2016 hanggang 2020.


Dahil dito ay inaasahang mas makatitipid na sa bayarin sa kuryente ang consumers dahil sa bababa rin ang transmission charge.

Sa initial computation, sa phase 1 pa lang ay halos P35 billion na ang ibababa o mare-refund sa transmission charge kung saan inaasahang sa 2nd quarter ng taong 2024 ay mararamdaman na ang pagbaba sa singil sa kuryente.

Kumpyansa si Gatchalian sa ibinigay na commitment ng ERC na bago matapos ang Disyembre ay tapos na ang kanilang computation at maibibigay na kung magkano ang ibaba sa singil sa kuryente ng consumers.

Facebook Comments