Singil sa online transfer fees, hiniling na suspendihin muna hanggang sa mawala na ang pandemya

Pinapasuspinde ni Quezon City Representative Precious Castelo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) “indefinitely” ang online bank transfer fees.

Ang apela ng kongresista ay bunsod na rin ng pagpapataw muli ng ilang mga bangko at online money remittance platforms ng charges sa kanilang transakyon sa online sa kabila ng panawagan ng publiko at mga mambabatas na ipagpaliban muna ang paniningil nito kahit hanggang sa katapusan lang ng taon.

Sa House Resolution 1271 na inihain ng kongresista, umaapela ito sa BSP na suspindihin ang singil sa online bank transfer “indefinitely” o hanggang sa mawala ang COVID-19 pandemic.


Giit ni Castelo, marapat lamang na i-waive muna ang transfer fees hanggang sa matapos ang pandemya dahil malaking tulong ito sa mga Pilipinong apektado ng health at economic crisis.

Binigyang-diin ng kongresista na i-obliga ng BSP ang lahat ng mga bank at financial intermediaries na nasa hurisdiksyon nito na sumunod sa direktiba na ipagpaliban muna ang pagsingil sa transfer charges.

Dagdag pa ni Castelo, kaya naman i-waive muna ng online banks at online money transfers ang kanilang singil dahil hindi naman sila dito talaga kumikita ng malaking pera.

Facebook Comments