Aminado ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na posibleng tumaas ang singil sa subscription at transaksyon ng mga Pilipino sa foreign digital service providers kasunod ng pagsasabatas ng VAT on digital services.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., naka-depende sa service providers kung magkano ang idadag nilang singil pero hindi naman aniya awtomatikong tataas ang singil dahil sa batas kaya naman inaasahang minimal o kakaunti lamang ito.
Bagama’t malaya ang service providers na magtakda ng sarili nilang presyo, inaasahan naman aniyang iaangkop nila ito sa porsyento ng idaragdag na VAT.
Ayon kay Lumagui, magiging kawalan din sa digital service providers kung magtataas sila nang malaki sa presyo dahil lilipat ang mga consumer sa mas murang provider.
Giit ng BIR, nais lamang nilang gawing patas ang sistema para sa kapakanan ng local digital services na dati pa man ay nagbabayad na ng VAT.
Sa ilalim ng batas, may kapangyarihan na ang BIR na suspendihin o i-block ang website ng lalabag na digital services sa pamamagitan ng oplan kandado program.
Saklaw nito ang online search engines, cloud services, media and advertising, at e-market places at digital goods, at kailangan ay mayroon silang kitang higit o nakikitang lalagpas sa tatlong milyong piso sa nagdaang isang taon.